EPZA, Angeles City, Pampanga — Isang makasaysayang pagtitipon ang ginanap noong Abril 26, 2025 para sa pagtatalaga ng bagong gusali ng EPZA Seventh-day Adventist Community Center. Dumalo sa okasyon ang mga bagong miyembro ng iglesya, ang GC Ensemble, mga manggagawa mula sa opisina ng Central Luzon Provinces Mission (CLPM), mga contractors ng gusali, mga miyembro ng iba’t ibang iglesya, at mga sponsor na sumuporta sa proyekto.

Sa isinagawang Divine Worship Service, ang pangunahing tagapagsalita na si Eivonlehta Guab ay nagbahagi ng makapangyarihang mensahe na nakatuon sa kwento ng tatlong magkakaibigan sa Daniel 3. Sa kanyang pangangaral, pinasigla niya ang lahat na patuloy na magtiwala sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok, tulad ng ipinamalas ng tatlong magkakaibigan na hindi natinag ang pananampalataya.

Nagkaroon din sa hapon ng makalangit na pagpupuri sa pamamagitan ng pag-aawitan sa pangunguna ng GC Ensemble. Ang kanilang pagbibigay ng mga awitin ay nagpasigla at nagpala sa mga kapatiran ng EPZA, maging ng mga miyembro sa ibang iglesya.

Pinangunahan naman ni Pastor Gerardo Estabillo ang solemne at makabuluhang seremonya ng pagtatalaga, kung saan sama-samang idinulog sa Diyos ang pasasalamat at paghingi ng patuloy na pagpapala para sa bagong sentro ng komunidad.
Isang araw ng kagalakan, pag-asa, at panibagong simula ang pagtatalaga ng bagong gusali, na magsisilbing sentro ng paglilingkod at misyon para sa komunidad ng EPZA at karatig lugar.
CLPM Communication Personnel